MANILA, Philippines - Natangay ang higit sa P.1 milyong halaga ng payroll money sa isang binata makaraang holÂdapin ito ng riding in tandem sa may overpass ng Quezon AveÂnue, EDSA, kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police Statin 10, ang biktima ay kinilalang si Selvino Soriano, 34, timekeeper at stay-in sa Will Tower na matatagpuan sa Eugenio Lopez Drive malapit sa ABS-CBN, Brgy. South TriÂangle sa lungsod.
Nakuha sa biktima ng mga suspect ang isang paper bag na naglalaman ng payroll ng mga manggagawa ng Edwin D. Soriano Builders Inc. at isang maliit na bag na naglalaman din ng P28,000 payroll ng staff ng nasabing kompanya.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may overpass malapit sa Provincial Bus Station unloading Zone, Quezon Avenue, EDSA, ganap na alas-5:30 ng hapon.
Bago ito, kabababa lamang umano ng biktima mula sa Bataan Transit bus galing Pampanga at naglalakad sa naturang lugar nang lapitan ng mga suspect.
Mula dito ay agad na tinutukan ng baril ng mga suspect ang biktima, saka kinuha ang dala nitong paper bag na naglalaman ng pera, bago sumakay sa nakaparadang motorsiklo at tumakas papuntang North EDSA.
Sa kasalukuyan, pinalalagay ng awtoridad na matagal nang minamanmanan ng mga suspect ang biktima dahil batid ng mga ito na may dala itong pera.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.