MANILA, Philippines - Nasakote ng pinagsanib na elemento ng PNP-Anti Illegal Drug Special Operation Task Force (PNP-AIDSOTF) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang pinaghihinalaang big time drug dealer kasunod ng pagkakasamsam sa 25 milÂyong pisong halaga ng shabu sa drug bust operation sa Makati City, nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni PNP-AIDSOTF Special Operation Unit 3 chief, Supt Ismael Fajardo ang nasakoteng suspect na si Joel Maglare, 47, dating OFW tubong Sorsogon at naninirahan sa Griate St., Brgy. Hulo , Mandaluyong City.
Ayon kay Fajardo, naglunsad ng buy-bust operation ang kanilang mga operatiba sa Rapide Auto Service , Chino Roces Avenue, Brgy. Pio del Pilar ng lungsod ng Makati dakong alas-12:30 ng hapon.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na pagtutulak ng droga ng suspect at nang magpositibo ang impormasyon ay isinagawa ang operasyon.
Hindi na nakapalag pa ang suspect matapos makorner ng arresting team.
Ang suspect ay hinihinalang supplier ng shabu sa mga kilalang personalidad sa lungsod .
Nasamsam mula kay Maglare ang 5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P25 milyon, isang kulay asul na Nissan Sentra (ZLE 805) na gamit nito sa illegal na transaksyon at boodle money na nagkakahalaga naman ng P1.2 milyon na ipinain sa suspect ng poseur-buyer ng mga awtoridad.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000 ang nasakoteng suspect na humihimas na ng rehas na bakal sa detention cell ng PNP-AIDSOTF sa Camp Crame.