Negosyo nalulugi Korean trader, nag-harakiri

MANILA, Philippines - Hindi na umano natagalan ng isang Koreyanong negosyante ang magkakasunod na pagkalugi sa negosyo sanhi upang magpasya na lamang itong magpakamatay sa pamamagitan ng pagha-harakiri  sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Kwan Su Park, alyas Anthony Park, 41, may-asawa, company executive officer ng First Standard Trading Inc, (FSTI)   at residente sa Calamba St., Talayan Village, Brgy. Talaysa, sa lungsod.

Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, imbestigador sa kaso, si Park ay nagtamo  ng saksak sa leeg at sikmura nang madiskubreng duguan at walang buhay ng kanyang kaibigan na si Yoon Beom Kang sa loob ng comfort room ng kanilang tanggapan.

Bago ito, nag-usap umano ang biktima at ang kanyang kasosyo na si Jet Ruiz na magkita sa kanilang tanggapan sa FSTI na nasa  Roosevelt Avenue, Brgy. San Antonio para pag-usapan ang kanilang negosyo.

Ganap na alas -2:30 ng hapon nang dumating si Ruiz sa FSTI para sa meeting kung saan naabutan niya si Kang at kinausap na hanapin si Park.

Hinanap naman ni Kang ang biktima sa dining room, pero hindi niya nakita, hanggang sa puntahan nito ang CR pero naka-lock ito. Paulit-ulit na kinatok ni Kang ang pinto ng CR, pero walang sumasagot dahilan para puwersahin na niyang buksan ito at tumambad sa kanya ang duguang katawan ng biktima.

Agad na humingi ng tulong si Kang sa kanyang mga ka-opisina at itinakbo ang biktima sa St. Agnes General Hospital, pero idineklara rin itong patay.

Sa ginawang pagsisiyasat, ang biktima ay nagtamo ng saksak sa kanyang leeg at sikmura na siyang ikinamatay nito.

Sabi ni Capili, nang tignan nila ang kuha mula sa footage ng closed circuit television (CCTV) mula sa dining room ay nakita ang nasawi na kumuha ng kitchen­ knife, saka nagtuloy sa comfort room kung saan siya nakitang duguan.

Dagdag ni Capili, base sa pahayag ng isa nilang staff, bentahan ng second hand na sasakyan ang negosyo ng biktima, pero nalulugi na umano ito na maaaring siyang ugat ng kanyang pagpapakamatay. Pang-apat na beses na rin anyang nalugi ang nasabing negosyo ng biktima.

Patuloy ang pagsisittyasat ni Capili sa nasabing in­sidente.

Show comments