Flying voters kumalat sa Caloocan
MANILA, Philippines - Naging talamak umano ang paglipana ng mga flying voters sa iba’t ibang polling precincts sa lungsod ng Caloocan sa katatapos na halalang pambarangay kahapon.
Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), higit sa 50 reklamo ng flying voters ang nakarating sa kanila buhat sa mga botante at mga tagasuporta ng ilang mga kandidato.
Base sa mga sumbong sa Barangay 187-188 sa Caloocan, marami sa mga nakarehistro ang hindi makita ang kanilang presinto ang hindi nakaboto, marami naman ang nakaboto kahit wala sa master’s list sa mga presinto dahil sa hinahayaan umano ng mga bantay sa presinto dahil sa kakilala.
Samantala, anim na hinihinalang flying voters ang naaresto sa may E. Rodriguez Elementary School sa may 11th Avenue, Caloocan. Nabatid na residente umano ng ibang lugar ang mga nadakip na nahulihan pa sa kanilang posesyon ang mga bitbit na listahan ng kandidatong iboboto at tig-P500 na ibinayad bawat isa.
Samantala sa Malabon City, inaresto naman ang 44-anyos na si Edwin Bamba, ng Brgy. Dampalit, makaraang mahulihan ng balisong habang namimigay umano ng dokumento ng “black propaganda†sa isang kandidato na hindi pinangalanan.
Nadakip ang suspek dakong alas-9:40 ng umaga sa may Gen. Luna Street, Brgy. Concepcion, ng naturang lungsod. Napansin umano ng mga botante na may nakasuksok sa bewang nito na naging dahilan upang hingin ang atensyon ng mga nakabantay na pulis at arestuhin ito.
- Latest