MANILA, Philippines - Nanawagan kay Manila Mayor Joseph Estrada ang mahigit 200 vendors na nakatakdang magtinda sa loob ng Manila North Cemetery na tulungan sila sa umano’y sistemang ipinatutupad ng organizer nito.
Sa panayam sa mga vendors, inirereklamo ng mga ito ang bagong patakaran sa kanilang pagpupuwesto sa sementeryo na umano’y panggigipit sa kanila gayong maliit lamang ang kanilang kikitain.
Ayon sa mga vendors, ngayon lamang nangyari na may babayarang P1,275 para sa permit at P50 para sa notary para sa lugar na kanilang pagtitindahan na may sukat na 1x1.
Nabatid na hindi umano maaaring mamili ang mga vendor ng kanilang pupuwestuhan bagama’t maaga silang nakipagtransaksiyon sa organizer. Ilan sa mga vendors ay halos 10 at 15 taon nang nagtitinda sa nasabing sementeryo. Ang nasabing transaksiyon ay kinumpirma naman ng isang Oscar Escueta na umano’y tauhan ni Manila 1st District Dennis Alcoreza.
“Alam na po ni Mayor Erap ’yan kasi kay DA (Dennis Alcoreza), po iyan,†ani Escueta.
Lumilitaw na bukod sa mga nasabing bayarin, obligado rin ang mga vendors na kunin umano sa organizer ang kanilang ibebenta sa sementeryo.
Nagtataka rin ang mga vendors kung bakit sa Rehabilitation facility ng MNC at hindi sa Manila City Hall isinasagawa ang bayaran at pinanghihimasukan umano ni Alcoreza ang MNC gayong may administrator naman ito. Lumilitaw na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang administrator ng MNC na si Raffy Jimenez at si Alcoreza hinggil sa pagpupuwesto ng mga vendors sa nasabing sementeryo.
Ayon sa mga vendors, nasasakupan pa rin ni Jimenez ang lugar kung kaya’t hindi dapat na panghimasukan ni Alcoreza.