MANILA, Philippines - Patay ang magkaÂpatid na paslit matapos na sumiklab ang isang sunog sa Makati City, kahapon ng madaling-araw.
Natagpuan ang sunog na bangkay ng magkapatid na sina Rose Ann Ariola, 6; at Robert, 4, sa bahagi ng bumagsak na ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Macda Compound, Brgy. Cembo.
Halos hindi naman maÂkausap dahil sa tindi ng pagdadalamhati ang ama ng mga biktima na si Emmanuel Ariola.
Sa paputul-putol na pagsasalita nito, sinabi ni Ariola na sandali siyang umalis ng bahay upang tingnan ang puwesto nila sa palengke at naiwan ang mga anak na natutulog sa kanilang kuwarto bago sumiklab ang sunog.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-12:05 ng madaÂling-araw nang sumiklab ang apoy na sinasabing nagmula sa bahay ng isang Aida Ambong sa Macda Compound, Brgy. Cembo matapos na may makaÂaway sa loob ng bahay nito.
Dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay ng ilang informal settlers, kumalat ang apoy at tumawid sa San Jose St. sa Guadalupe Nuevo kung saan nadamay naman ang ilan pang mga establisimento.
Dakong ala-1:42 ng madaling-araw nang magdeklara ang Makati Fire Depatment ng fire under control at dakong alas-3:10 na ng madaling araw nang ganap na maapula ang sunog na umabot sa general alarm.
Tinatayang nasa 500 kabahayan at establisimento ang natupok kung saan nasa 2,000 katao ang apektado.
Karamihan sa mga ito ay tumuloy sa mga paaralan bilang evacuation area habang ang ilan naman ay natulog sa kahabaan ng J.P. Rizal Extension upang bantayan ang kanilang mga naisalbang gamit.
Umaksyon na umano ang pamahalaang lungsod ng Makati para bigyan ng tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog lalo na sa pagkain at gamit.
Bukod sa magkapatid na paslit na nasawi, tatlo pang residente ang nasaktan sa naturang sunog.