Kargador patay sa mag-utol

MANILA, Philippines - Todas ang isang kargador makaraang pagtulu­ngang saksakin ng mag-utol na kapwa kargador rin dahil sa pang-aagaw umano ng biktima ng kanilang suki, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Agad na nasawi dahil sa mga saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Anthony Mahinay, 46 , ng Letre, Brgy. Tonsuya, ng naturang lungsod. 

Isinugod naman sa Tondo Medical Center ang magkapatid na suspek na sina Dominador, 37 at Jimmy Peñaranda, 42, kapwa ng Sta. Maria, Bulacan, makaraang magtamo rin ng mga sugat sa insidente.

Dalong  ala-1:20 ng madaling-araw kahapon nang sitahin ni Dominador ang biktima sa loob ng Malabon Public Market sa Estrella St., Brgy. Tañong  dahil sa ginawang pang-aagaw umano sa kanyang suki.

Nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa mauwi ito sa suntukan.  Nakita naman ni Jimmy ang pangyayari at sinaklolohan ang kapatid. 

Isa sa mga ito ang nagbunot ng patalim at pinagsasaksak ang biktima. Kahit may tama na, nagawa pang maagaw ni Mahinay ang patalim at masaksak rin ang magkapatid na Peñaranda.

 

Show comments