Mag-live-in tinodas sa QC

MANILA, Philippines - Patay ang mag-live-in partner nang pagbabarilin ng apat na armadong suspect  sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga  biktima na sina Rodora Go-Alaba, 36, trader at ang kinakasama nitong  nakilala lamang sa alyas Jigs, kapwa naninirahan sa Meton St., Itaas, Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Ang dalawang biktima ay kapwa napatay sa loob ng kanilang Mitsubishi Lancer  dahil sa tinamong mga  tama ng bala sa kanilang katawan.

Base  sa  report ni SPO1 Alejandro Camacho, ng Batasan Police Station 6, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa tapat  ng bahay ng mga biktima nang sumulpot ang apat na suspect na pawang naka-suot ng helmet at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima.

Nang makitang duguang bumulagta ang  dalawa ay mabilis na tumakas ang mga salarin sakay sa dalawang motorsiklo na hindi na plakahan.

Lumalabas sa inis­yal na imbestigasyon na po­sibleng love triangle ang motibo sa krimen.

Nabatid sa pulisya na si Jigs ay may-asawa na minsan nang nag-eskandalo sa tapat ng bahay ng dalawa.

Sinasabing si Jigs ay dating kasintahan ni Alaba bago pa man ito ikasal. Si Alaba na isa ng biyuda ay nakabalikan ang dati niyang kasintahan na si Jigs.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang krimen.

 

Show comments