Rider sugatan sa 2 karnaper

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang rider nang pagtulungang saksakin at gulpihin ng dalawang karnaper matapos tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang motorsiklo, kahapon ng umaga sa Pasay City. Kahit sugatan ang biktimang si Christopher King Garlan, residente ng Tramo St., ng naturang lungsod ay nagawa pa nitong makalayo mula sa  dalawang  suspek na kapwa armado ng patalim. Ayon sa salaysay ng biktima, alas-5:00 ng umaga habang sakay siya ng minamanehong motorsiklo nang mapahinto sa Taft Avenue malapit sa panulukan  ng Libertad St., ng naturang lungsod  upang bigyang daan ang isang pampasaherong jeep. Bigla umanong sumulpot ang dalawang lalaki at kaagad siyang pinagsusuntok habang hinahablot naman ng kasama nito ang manibela ng kanyang motorsiklo. Nang tumanggi ang biktima, inundayan siya ng sunud-sunod na saksak ng mga suspek na nagawa niyang salagin at tumama sa kaliwa niyang braso at kamay saka mabilis na lumayo sa mga suspect.

Show comments