Mister natagpuang patay sa tabi ng bahay ng ex-wife

MANILA, Philippines - Natagpuang walang buhay­ at may tama ng bala sa ulo ang isang mister, malapit sa bahay ng kanyang dating misis na may iba nang kinakasama, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Pinag-aaralan na rin ng pulisya kung may anggulong ‘love triangle’ ang pagkamatay ng biktimang kinilalang si Ferlito Bural, 28, ng #786 Sevilla St., Binondo, Maynila dahil malapit lamang sa bahay ng dating asawa nitong si Faustina ito natagpuang patay.

Sa ulat ni SPO3 Rodelio Lingcong  ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:20 ng madaling-araw nang makita ang bangkay ni Bural sa panulukan ng Masikap at  Wagas Sts., Tondo, Maynila ng barangay tanod na si Alejandro Castro, ng Brgy. 32,  Zone 2.

Hindi naman tiyak kung posibleng suspect ang di pa pinangalang bagong live-in partner ni Faustina, habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon.

Isa sa nakalap na ma­aaring pagbatayan ang re­gular pa umanong komu­nikasyon ng biktima sa nakahiwalayang misis, kahit may iba na itong kinakasama, na posib­leng naging dahilan ng selosan.

Wala pa ring makuhang testigo para tumukoy sa pagkilanlan ng gunman.

Nang suriin ang nakabulagtang bangkay ng biktima, may nakasukbit umanong patalim ito sa beywang.

Nasa pangangalaga ng St. Rich Funeral Ser­vices ang bangkay.

Show comments