Call center agent pinatay sa loob ng SUV

MANILA, Philippines - Naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang bangkay ng isang 42-anyos na call center agent sa loob ng “sports utility vehicle (SUV)” nito kahapon ng madaling- araw sa Taguig City.

Nakilala ang biktima na si Leo Akut, dating na­­­ninirahan sa #5 Cattle­ya St., Midtownville, Cainta, Rizal. Nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa ulo.

Sa ulat ng Taguig City Police, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang madiskubre ang bangkay ni Akut ng dalawang babae na lulan ng isang motorsiklo nang mapansin ang nakaparadang Toyota Revo sa gilid ng Marawi Avenue sa Maharlika Village sa naturang lungsod.

Agad na nagtungo ang dalawang babae sa tanggapan ng Ba­ rangay Security Force ng Maharlika Village at iniulat ang pagkakadiskubre sa bangkay. Agad namang rumesponde ang mga miyembro ng Bantay Bayan at mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP 4).

Dito nakita ang bangkay na nakasubsob sa manibela ng naturang sasakyan.  May posibilidad na kasama sa loob ng sa­sakyan ng biktima ang salarin dahil sa maaaring galing sa loob ng sasak­yan ang bala base sa direksyon nito.

Patuloy naman ang mas masusing imbestigasyon upang mabatid ang motibo sa krimen.

Show comments