ACRI-Card laging dalhin - Mison

MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang anumang  aberya, pinayuhan  ng Bureau of Immigration ang mga dayuhan na laging dalhin ang kanilang Alien  Certificate of Registration Identity Card (ACR I-Card) lalo pa at ito ang katunayan ng kanilang legal na paninirahan  at pananatili sa Pilipinas.

Ayon kay BI Officer-in-Charge Siegfred Mison na ang pagkakaroon ng ACR I-Card ay nakatutulong  sa dayuhan na makaiwas sa  mga problema  sa pakikipagtransaksiyon.

Aniya,  ang  ACRI-Card ay microchip-based identification card na iniisyu sa mga rehistradong dayuhan, kapalit ng dating  paper-based ACR. Nagtataglay din ito ng computer chip na may biometric security features na  at maaaring i-update electronically.

Ang nasabing card ay nagsisilbi ring Emigration Clearance­ Certificate (ECC), Re-entry Permit (RP) at  Special Return Certificate (src) sa holder sa sandaling maka­bayad ng tinatakdang halaga.

Kasabay nito ay binalaan ni Mison ang mga dayuhan na mag-ingat sa mga peke at pinapalsipikang ACRI-Cards.

 

Show comments