MANILA, Philippines - Minsan pang napatunayan na sa pulitika walang kama-kamag-anak makaraang isang kagawad na tatakbo bilang kapitana ng barangay ang nagharap ng reklamo laban sa kanyang kapatid na barangay chairman na makakatunggali sa darating na halalang pambarangay sa Caloocan City kamakalawa.
Nadakip naman ang sinasabing tao ni Chairman Manuel Cruz, ng Brgy. 79 ng naturang lungsod na si Jerry Reyes, 41, ng Lapu-Lapu St.
Sa reklamo ni Kagawad Maria, 42, nakababatang kapatid ni Manuel, alas-3:30 kamakalawa ng hapon ay galit na niÂlusob sila ng kanyang kuya na kasama ang tauhan nitong si Reyes at pinagbabato ang kanilang bahay. Ito’y matapos na malaman ni Manuel na tatakbo rin siyang barangay chairman.
Agad na humingi ng tulong si Maria sa mga pulis at nang respondehan ay nadakip si Reyes kung saan nakuha rito ang isang kalibre .45 na walang papeles na naging dahilan para sampahan ito ng kasong illegal possession of firearm at paglabag sa omnibus election code.
Nabatid na nagsimula ang away ng magkapatid matapos tutukan ng baril ni Manuel ang iba pang mga kapatid dahil gusto ng naturang barangay chairman na masolo ang bahay ng kanilang magulang sa nasabing lugar.
Karamihan sa magkakapatid ay nagalit sa inasal ni Manuel na naging dahilan upang umalis ng bahay ang huli at maniÂrahan sa Barangay Hall ng nasabing barangay sa Nangka St., ng naturang lungsod.
Dahil sa panunutok at nahulihan ng baril ay nasuspinde si Manuel noong 2010 at pansamantalang namuno si Maria dahil ito ang number 1 kagawad.
Lalo umanong nagalit si Manuel nang malaman nga nito na kakalabanin siya ng nakababatang kapatid na babae sa nalalapit na halalan hanggang sa mangyari ang pambabato sa bahay ng huli.