MANILA, Philippines - Hindi pa rin masolusyonan ang problema ng mga batang paslit na kawatan at iba pang nananamantala sa mga dayuhan sa tourist belt, sa Ermita, Maynila.
Ito’y matapos makapagtala na naman kahapon ang Manila Police District-General Assignment Section ng kaso ng pandurukot ng dalawang paslit na hinihinalang ang isa ay nasa gulang 6-anyos at 10-anyos naman ang kaÂsama na sinasabing tumangay sa iPhone at cash na P7,000 ng lasing na Japanese national, sa M.H. Del Pilar, bandang alas-12:00 ng hatinggabi, kamakalawa.
Sa reklamo na inihain ni Satushi Shegura, 42, pansamantalang nanunuluyan sa Rothman Hotel, sa Adriatico St., Malate, kay SPO2 Bernardo Cayabyab ng MPD-GAS, ang dalawang paslit na nakasuot ng puting sando at ang isa ay kulay dilaw na t-shirt ay lumapit sa lasing na biktima at nagkunwaring yumayakap-yakap sa turista hanggang sa umalis. Doon nadiskubre ng dayuhan na nawawala ang kanyang cellphone at wallet.
Samantala, sa reklamo naman ng isa pang Japanese national na si Mitsukiro Nakashima, 40, natangay ng isang lalaking armado ng baril ang kanyang Gucci bag, na naglalaman ng cellÂphone, PHP cash na 14,000 at Y108,000 at iba pang personal na dokumento habang naglalakad sa Mabini St. Ermita, dakong alas-7:30 ng gabi.
Tinutukan umano siya ng lalaki at kinuha ang dalang bag bago tumakas papalayo na naglalakad lamang.
Aminado ang pulisya na wais din ang mga tumatarget na kawatan sa mga turista, dahil alam nilang nababasura lamang ang kaso kahit sila ay madakip dahil hindi naman nagtatagal sa bansa ang mga ito at hindi naisusulong ang reklamo.