MANILA, Philippines - Tatlo katao ang dinakip matapos na mahuli sa aktong nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot na Cytotec sa Quiapo, Maynila.
Batay sa report na isinumite ni Insp. Rommel Anicete, hepe ng MPD–Plaza Miranda PCP kay Station 3 commander, Supt. Ricardo Layug, kinilala ang mga naaresto na sina Alicia Empino, 43 at Rommel San Jose, 20 kapwa ng No. 968 Hidalgo St. Quiapo, Maynila at Precious Alcantara, 23 ng no. 400 Capulong St. Tondo, Maynila.
Ayon kay Anicete, nagro-roving ang kanyang mga pulis na sina SPO1 Francisco Salazar, PO3 Regin Obina at PO2 Joseph Almayda sa palibot ng Quiapo church sa Quezon Blvd., dakong alas 4:20 ng hapon nang mahuli sa akto sina Empino at San Jose na nagbebenta ng Cytotec na gamot pampalaglag sa dalawang hindi nakilalang customer. Nakuha sa mga ito ang apat na piraso ng nasabing abortive drug.
Sa panulukan naman ng Carriedo at Evangelista St. sa Quiapo naaresto si Precious Alcantara, 23 ng no. 400 Capulong St. Tondo, Maynila.
Nagsasagawa ng police visibility patrol at anti-criminality sina Obina at PO1 Reynaldo Fortaliza nang makatanggap sila ng impormasyon na may nagaganap na bentahan ng Cytotec sa nasabing lugar.
Agad na nagmanman ang mga pulis at huli sa akto si Alcantara na nag-aalok ng nasabing gamot.
Ang tatlo ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9711 (Selling of Unregistered Medicine).