Guro inabangan, saka pinatay

MANILA, Philippines - Sinisiyasat ng pulisya kung  holdap o may iba pang pakay­ ang ginawang pamamaril at pagpatay sa isang public school teacher ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang naglalakad ang biktima sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Jose Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng dalawang tama ng bala sa likod ang biktimang si Loresita Pepito, 39, ng Phase 3, Bagong Silang ng naturang lungsod.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente alas-7:20 ng gabi  sa kahabaan ng Everlasting St., Barrio San Isidro, Tala ng naturang lungsod habang naglalakad ang biktima pauwi na sa kanilang bahay nang sumulpot ang mga suspek na pawang armado ng baril. Walang  sabi-sabing pinagbabaril ng mga ito ang biktima.

Matapos ito ay kinuha  pa ng mga suspek ang dalang bag ng guro saka mabilis na nagsitakas habang ang biktima naman ay isinugod sa ospital ng ilang nakasaksi sa insidente ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Patuloy pa rin ang isinasa­gawang imbestigasyon sa naganap na krimen.

Show comments