MANILA, Philippines - Umabot sa 49 iba’t ibang uri ng motorsiklo na pinaniniwalaang karnap ang nasamsam ng mga pulis sa isinagawang ‘Oplan Galugad’ sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Supt. Ferdinand Del Rosario, deputy chief at commander ng Barugo Police Station ng North Caloocan City, alas-2:30 ng hapon nang magsagawa sila ng operasyon sa Phase 12, Tala sa lungsod.
Nabatid na bukod sa 49 iba’t ibang uri ng motorsiklo na kanilang nabawi, nakasamsam din sila ng 4 na baril at tatlong katao na may warrant of arrest ang kanilang nadakip.
Sinabi pa ni Del Rosario, nakatanggap sila ng impormasyon na ang nasabing lugar ang pinagdadalhan ng mga kinarnap na mga motorsiklo na naging dahilan upang magsagawa sila ng operasyon dito.