MANILA, Philippines - Nauwi sa wala ang maghapong pamamasada ng isang taxi driver matapos na holdapin ng dalawa niyang pasahero na muntik pang tumangay sa kanyang sasakyan sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Walang itinira kahit isang kusing para maÂuwi sa kanyang pamilya sa biktimang si Rico Oro, 47, matapos makuha mula sa kanya ang halagang P3,800 at isang cellphone.
Suwerte na lamang at narekober agad ng awtoridad ang pinapasada niyang taxi kung kaya nabawasan ang kanyang dinadalang problema.
Nangyari ang insiÂdente sa may Osmeña St., Brgy. Del Monte, makaraang sumakay ang dalawang suspect sa taxi “Sturdy†(TXE-291) ng biktima at nagkunwaring pasahero.
Dito ay kunwaring magpapahatid ang mga suspect sa Roosevelt Avenue, pero habang bumibiyahe ay biglang naglabas ng patalim ang mga huli at nagdeklara ng holdap.
Kasunod nito ay pinagkukuha ng mga suspect ang pera at cellphone ng biktima at pagkatapos ay itinulak ito palabas ng taxi.
Tiyempong nagpapatrulya naman ang mga awtoridad sa lugar at nang malaman ang nangyari sa biktima ay agad na inalarma ang sasakyan, hanggang sa matagpuan ito sa may Sgt. Rivera St. makaraang abandonahin ng mga suspect.