MANILA, Philippines - Sigalot sa iligal na droga ang sinasabing motibo sa pamamaril at pagpaslang sa isang 25-anyos na lalaki ng mga hinihinalang miyembro ng sindikato na nag-ooperate sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Agad na nasawi sanhi ng tinamong tatlong tama ng bala sa ulo ang biktimang nakilalang si Antonio Dela Cruz, ng F. Victor St., ng naturang lungsod.
Isa sa tatlong tumakas na suspek naman ang nakilalang si Darwin Lapuz, 28, ng Tramo St., Pasay. Kilala umano ito na miyembro ng isang sindikato na nagpapakalat ng iligal na droga sa lungsod.
Sa ulat, nasa lamayan ang biktima dakong alas-9 ng gabi nang isang lalaki ang lumapit at binulungan ito.
Nagtungo naman ang biktima sa may Leonardo St. ngunit pagsapit dito ay biglang sumulpot si Lapuz na armado ng kalibre .45 at agad na pinaputukan ito sa ulo ng malapitan.
Napag-alaman ng pulisya na may malaking pagkakautang umano ang biktima sa sindikato dahil sa hindi nito pagbabayad sa kinuhang iligal na droga na kanyang ibinenta.