24-anyos tinaniman ng 3 bala sa ulo

MANILA, Philippines - Bulagta  ang isang 24-anyos na lalaki nang malapitang barilin sa mukha at ulo ng isang hindi pa kilalang suspect habang nakikipagkuwentuhan sa kaibigan sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Naisugod naman sa Mary Johnston Hospital subalit idineklarang patay na ang biktimang si Antonio Diaz,  alyas “Nonoy”, ng Block 8-B, Lot 11, Model Community,  Tondo, Maynila.

Agad namang tumakas ang suspect  na armado ng kalibre .45 pistola.

Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:05 ng umaga nang maganap ang nasabing pamamaril sa may Magsaysay St. sa  panulukan ng Calamansi St. sa Tondo, Maynila.

Abala umano sa pakikipagkuwentuhan ang biktima sa isang “Mark Jun”, 17-anyos, kaya hindi napansin ang paglapit ng suspect at walang sabi-sabing pinaputukan siya sa mukha ng tatlong beses  bago tumakas. Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.

 

Show comments