MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem suspect habang ang mga biktima ay nasa loob ng isang pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sina Ruben Reguya Jr., 33; at Adrian Villones, 15, ay nasawi habang nilalapatan ng lunas sa ospital sanhi ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan, ayon kay SPO1 Cristituto Zaldarriaga, may hawak ng kaso.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng General AvenueÂ, Brgy. Toro, ganap na alas-8:45 ng gabi.
Ayon sa pulisya, bago ang pamamaril, nakitang nasa loob ng jeep na minamaneho ni Reguya ang dalawang biktima at nakikipag-usap sa isang hindi nakikilalang babae na agad namang umalis. Ilang sandali habang pababa ng kanyang jeepney si Reguya, biglang sumulpot ang isang motorsiklo saka huminto sa tabi ng kanyang sasakyan.
Kasunod nito ay bumaba ang backrider at pinagbabaril ang mga biktima na nasa loob pa rin ng jeepney.
Matapos ang pamamaril ay muling umangkas sa motorsiklo ng kasamahan ang gunman, saka sumibat papalayo at iniwan ang duguang mga biktima sa lugar.
Ilang kapitbahay ang nagtulung-tulong para maitakbo ang mga biktima sa Quezon City General Hospital kung saan si Reguya ay nasawi ganap na alas-9:50 ng gabi at si Villones ay alas-10:14 ng gabi habang nilalapatan ng lunas.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na krimen, habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.