Pagtatapon sa salvage victim, sapol ng CCTV

MANILA, Philippines - Pinaghahanap ang may sampung lalaking  pawang kabataan at sakay ng apat na motorsiklo na nakunan ng closed circuit television (CCTV) na nag-iwan ng isang kahon sa kalye kung saan natuklasang ang laman ay bangkay ng lalaki sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Ang nasabing bangkay na nagtamo ng tatlong saksak ng ice pick ay tinatayang nasa edad 40 hanggang 45, may taas na 5’1’’, payat ang pangangatawan, nakasuot lamang ng t-shirt na itim at underwear,  may tattoo na ‘Aguila’ sa likod at ‘Joy’ sa kaliwang dibdib, manipis ang buhok.

Sa ulat ni SPO3 Richard Lingcong ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:15 ng ma­daling-araw nang matagpuan ang biktima ng nangangalakal ng basura ang kahon na may naka­usling paa ng tao kaya agad niyang ipinaalam sa mga barangay tanod sa lugar.

Nang buksan ang kahon, nakita na nakasilid sa garbage bag  ang nakaba­luktot na bangkay ng lalaki, napupuluputan ang mukha at kamay ng packaging tape at may busal pa ng tela sa bibig. May marka rin ito sa leeg  na pinaniniwalaang binigti.

Nang panoorin ang kuha ng CCTV kung sino ang nagbagsak ng kahon sa lugar ay nakita ang mga kabataang pawang magkaka-angkas sa apat na motorsiklo.

“Nakita sa CCTV ng Ba­rangay 437 Zone 244 na sakay ng motorsiklo ang mga nagtapon sa kahon. Yung isang motorsiklo na tatlo ang sakay, yung nasa gitna ang may dala ng kahon pagtapat sa lugar itinapon lang  yung kahon,” ani Lingcong.

Gayunman, hindi umano makita sa  kuha ng CCTV ang plaka ng motorsiklo dahil natapatan ng ilaw kaya lumabo. Dinala ang bangkay ng biktima sa St. Humility Funeral para sa awtopsiya at safekeeping habang hindi pa nakukuha ng kaanak.

Mangangalap pa ng mga testigo hinggil sa mga kabataang magkakasabay na dumaan sa lugar at iba pang kuha ng CCTV na nakahagip sa pagdaan ng mga nasabing kabataan,  bukod sa CCTV ng na­sabing barangay.

Show comments