Trike driver itinumba habang namamasada
MANILA, Philippines - Isa na namang lalaki ang pinaslang sa lungsod ng Taguig matapos na pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin, kahapon ng madaling-araw.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Mark Anthony Villena, 28-anyos, tricycle driver, at naninirahan sa Brgy. Napindan, ng naturang lungsod.
Sa ulat, namamasada ang biktima dakong alas-3:15 ng maÂdaling-araw sa kahabaan ng C6 Road sa may Purok 6 Brgy. Napindan nang pagbabarilin ng mga suspectÂ.
Ayon sa vendor na si Marcelo Paningbatan, nag-aayos siya ng kanyang paninda sa talipapa sa lugar nang dumaan sa harapan niya ang biktima na duguan at sakay pa ng kanyang tricycle habang humiÂhingi ng saklolo.
Nagmagandang-loob naman si Paningbatan at isinugod ang biktima sa pagamutan kung saan nasawi ito dakong alas-4 ng umaga dahil sa tama ng bala buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo.
Sinabi ni PaningÂbatan sa pulisya na nakapagsalita pa ang biktima habang patungo sila sa pagamutan at sinabing naghatid siya ng pasahero sa Lupang Arienda sa Taytay, Rizal subalit hindi naging malinaw kung sino ang bumaril sa kanya.
Nabatid na kilala ang Lupang Arienda sa bayan ng Taytay bilang pugad ng mga holdaper at sindikato ng iligal na droga.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasÂyon ang pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.
- Latest