Lola dedo sa hit-and-run

MANILA, Philippines - Patay ang isang 56-anyos  na lola matapos itong ma-hit-and-run  ng isang truck  habang ang una ay namumulot ng basura na kanyang ibebenta sa Navotas City kamakalawa.

Dead-on-arrival sa Pagamutan Lungsod ng Malabon ang biktimang si Juvey Alcanar, nakatira sa C-3 Road, Caloocan City.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat ng Navotas City Traffic Bureau, naganap ang insidente  alas-3:36 ng hapon sa  kahabaan ng Dalagang Bukid, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) ng naturang lungsod.

Nabatid na namumulot ng basura ang biktima upang ibenta nang hindi nito namalayan ang paparating na truck.

Nahagip ang biktima hanggang sa tumilapon ito ng ilang metro ang layo at unang bumagsak ang ulo nito sa semento.

Hindi huminto ang driver  ng naturang truck at ang biktima ay dali-daling dinala sa nabanggit na ospital ngunit hindi na ito nakarating ng buhay.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ang na­turang insidente.

 

Show comments