Pawnshop inatake ng acetylene gang

MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang grupo ng acetylene gang na humuhukay ng tunnel patungo sa kanilang target, matapos na mabiktima ang isang pawnshop sa lungsod Quezon at matangayan ng mahigit sa P.7 milyong halaga ng alahas at pera, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Batasan Hills Police Station, ang nabiktima ay ang M. Ablaza Aldana Pawnshop na matatagpuan sa Unit 2 Wisdom Bldg., Brgy. Old Balara sa lungsod na pag-aari ng negosyanteng si Ma. Luisa Viray-Aldana, 54.

Ayon kay SPO3 Leila Agati, ang pagnanakaw ay nadiskubre ng isang Ma. Marlyn Bunagan, vault custodian, ganap na alas-7:30 ng umaga. Sinasabing pagkabukas ni Bunagan sa kanilang establisimento ay nagulat na lang ito nang makitang butas ang sahig  at bukas ang vault na pinagtataguan nila ng alahas at pera.

Nagawang mabuksan ng grupo ang vault sa pama­magitan ng acytelene na narekober sa lugar, gayundin ang gas tank, isang martilyo, dalawang chisel, tatlong crowbar, isang hydraulic jack at apat na screw driver.

Bukod pa dito ang ilang gamit tulad ng plais, lagare, adjustable wrench, gloves, kurtina at isang itim na bag.

Nang makuha umano ng mga suspect ang laman ng vault ay saka tumakas ang mga ito sa pamamagitan ng pagdaan muli sa tunnel at iniwan ang kanilang mga kagamitan.

Sinabi ni Agati, ang halaga ng mga alahas ay umabot sa P600,000, habang ang cash naman ay P118,000.

Ayon pa sa pulisya, may dalang kurtina ang mga suspect bilang proteksyon o panakip sa mga bintana, para hindi makita ang galaw nila sa loob. Sinira din ng mga suspect ang CCTV na nakakabit sa loob ng nasabing establisimento para hindi matukoy ang kanilang pagkatao.

Show comments