Jeep tumagilid sa SLEX: 1 patay, 15 sugatan

MANILA, Philippines - Isang pasahero ng jeep ang nasawi habang 15 pa ang sugatan makaraang tumagilid ang sinasakyan nilang jeep sa South Luzon Expressway (SLEX) sa bahagi ng Muntinlupa City, kahapon ng umaga.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Gemma Acidere, 47, residente ng Pearl St., Pacita Complex, San Pedro, Laguna, dahil sa pinsalang tinamo nito sa ulo.

Sa ulat, binabagtas ng jeep (TWF-573) na minamaneho ni Elmer Delgado ang kahabaan ng SLEX patungo sa Alabang exit dakong alas-9:30 ng umaga nang sumabog ang isa sa hulihang gulong ng sasakyan hanggang sa tuluyang tumagilid.

Nakaupo umano sa huli­hang bahagi ng jeep si Acidere kaya naipit ang ulo nito sa bakal ng sasakyan sanhi ng kanyang kama­tayan. Nagtamo naman ng mga sugat at pasa sa ka­tawan ang ibang sakay ng sasakyan.

Inaresto ng mga awto­ridad si Delgado na nahaharap ngayon sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide and multiple injuries” sa Muntinlupa City Prose­cutor’s Office.

Show comments