MANILA, Philippines - Dalawang establisimento ang magkasunod na pinasok ng mga kawatan kung saan natangay ang mahigit sa P400,000 cash at mga gamit sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang QC Llamas Gas Marketing shop sa Kamias Road at ang LBC branch sa may panulukan ng EDSA at Quezon Avenue ang isa sa nabiktima ng mga armadong lalaki, ganap na alas-2:30 ng hapon.
Ayon kay PO3 Rodolfo Ramos Jr. ng Anonas police stationÂ, pinasok ng armadong suspect ang shop ng gas habang papasara na ito ng kanilang tanggapan.
Sabi ni Luis Caluag at manager na si Antie Martinez sa pulisya, naghahanda na sila para magsara nang biglang pumasok ang tatlong armadong lalaki at nagdeklara ng holdap.
Agad na kinuha ng mga suspect ang kita ng shop na halagang P370,600, laptop na halagang P46,000, cellphones na P31,500 ang halaga at maging ang recorder ng surveillance camera at radio cassette recorder.
Sa nabanggit na oras din nang pasukin ng dalawang lalaki at holdapin ang LBC branch sa may panulukan ng EDSA at Quezon Avenue. Isa sa mga suspect ang may suot na maskara.
Sinabi ni PO2 Wilmore Bataanon, nagkukuwenta na ng kanilang kabuuang kita ang mga kawaning sina Michael Domingo at Franie Lozano nang pumasok ang mga suspect, ang isa ay nasa labas at nagsilbing look-out, habang ang isa naman ay dumiretso sa counter na may bitbit ng kalibre .45, sabay deklara ng holdap.
Kasunod nito ay inutusan ng suspect ang dalawang kawani na iabot sa kanya ang perang kinita at nang makuha ang pakay ay saka sabay na sumibat patungong Panay Avenue, bitbit ang perang P7,300.
Patuloy ang follow-up investigation ng awtoridad sa magkasunod na insidente.