Fast food chain hinoldap

MANILA, Philippines - Isang sangay ng fast food chain na  Chow­king ang hinoldap ng dalawang armadong lalaki at natangay ang hindi pa mabatid na halaga ng kita nito na nakalagay sa vault at gamit ng mga crew sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Ayon sa ulat ng Kamu­ning Police Station, alas-8 ng gabi nang pasukin ng mga suspect ang Chowking na matatagpuan sa Quezon Avenue, corner Roces Brgy. Paligsahan.

Sinasabing isa sa mga suspect ang nag­silbing look-out sa labas ng fast food habang ang isa naman ang siyang pumasok sa loob at nagdeklara ng holdap gamit ang isang baril.

Dito ay pinagtutukan ng suspect ang mga crew ng kainan, saka inutusan ang isang Anna Cubacub, assistant manager na buksan ang vault at kunin ang mga laman nito saka ilagay sa dala nilang bag.

Nang makuha ang pakay kung saan bago tuluyang umalis ay inutusan pa nito ang crew na patayin ang CCTV camera, saka sumakay ng isang puting taksi at tumakas.

Sa kasalukuyan, nagsa­sagawa ng follow-up investigation ang awtoridad sa nasa­bing insidente.

 

Show comments