10-anyos sugatan sa pen gun na nilaro ni kuya
MANILA, Philippines - Isang 10-taong gulang na batang lalaki ang naospital makaraang aksidenteng tamaan ng bala sa mukha nang pumutok ang pen gun na pinaglalaruan ng 15-anyos niyang kuya sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Batasan Police Station, ang biktima ay nakilalang si Mark Justine Medoranda, grade IV pupil at residente sa Brgy. Commonwealth.
Ipinadala naman agad ng awtoridad sa pangangalaga ng Social Services Development Department ng City Hall ang kapatid nitong itinago sa pangalang Totoy para sa kaukulang disposisyon.
Sa ulat ni SPO1 Malruz Claros ng Women and Children’s Desk ng Police Station 6, nangyari ang insidente sa bahay ng dalawa, ganap na alas-7:30 gabi.
Diumano, pinaglalaruan umano ni Totoy ang isang improvised pen gun sa loob ng inuÂupahang kuwarto nang aksidenteng pumutok ito at tumama sa mukha ng biktima
Dahil dito, mabilis na isinugod sa East AvenuÂe Medical Center ang biktima kung saan ito nilapatan ng lunas at nakaratay. Stable na rin umano ang kalagayan ng biktima.
Sa ginawang pagsisiyasat ni SPO1 Roldan dela Cruz, narekober sa lugar ang isang improvised pen gun at basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad upang mabatid kung sino ang may-ari ng natuÂrang armas.
- Latest