Trader natangayan ng P.5-M ng tandem
MANILA, Philippines - Katanghaliang tapat nang agawin ng riding-in-tandem na kawatan ang bag ng isang negosyante na naglalaman ng may P.5 milyon sa lungsod Quezon kahapon.
Sa inisyal na ulat sa pulisya, nakilala ang biktima na si Joy Chua, 46, co-owner ng Concierge Travel and Tours na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Don IgÂnacio Building, E. Rodriguez Avenue sa lungsod.
Nangyari ang insidente sa harapan ng kanyang opisina ganap na alas-12 ng tanghali.
Diumano, kalalabas lamanÂg ng kanyang opisina ng biktima at bubuksan ang compartment ng kanyang sasakyang Subaru na may conduction sticker na HV-6958 nang biglang sumulpot ang motorsiklo ng mga suspect.
Isa sa mga suspect ang biglang hinablot ang bitbit na bag ng biktima, saka pinaharurot ito patungong direksyon ng Cubao. Tinangka pang habulin ng biktima ang mga suspect, pero bigo rin siyang maabutan pa ito.
Tinatayang aabot sa P.5 milyon halaga ng pera na iba’t ibang denominasyon ang laman ng bag at dalawang mamahaling cellphone tulad ng iPhone ang nakuha sa biktima.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad sa nasabing inÂsidente.
- Latest