MANILA, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang mister, makaraang arestuhin ng awtoridad dahil sa pangho-hostage nito sa kanyang pamilya sa loob mismo ng Camp Karingal habang lango sa alak, ayon sa pulisya kahapon.
Si Salik Ampuan, 28, ay nakapiit ngayon sa Quezon City Police District sa Camp Karingal at nahaharap sa patung-patong na kasong grave threat, alarm scandal at illegal possession of firearm, ayon kay QCPD director Chief Supt. Richard Albano.
Sabi ni Albano, ang kasong grave threat ay isinampa ng tricycle driver na Enrique Sunga, 33, na kanyang tinutukan ng baril habang ang alarm scandal ay inireklamo naman ni Senior Insp. Roberto Razon, ng District Anti-Illegal Drugs ng QCPD.
Sa ulat ni PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa loob mismo ng Camp Karingal, ganap na alas- 7 ng gabi.
Bago ito, sumakay umano ng tricycle ni Sunga, ang suspect kasama ang asawang si Aisa at mga anak na sina Alex at Vivian sa may terminal ng tricycle sa Road 23 corner Road 20, Brgy. Bahay Toro at nagpahatid sa DAID-QCPD sa Camp Karingal.
Pagkasakay pa lamang sa tricycle sinabihan na ng suspect si Sunga na “ihatid mo kami sa Karingal sa DAID, doon ako magpapakamatay.â€
Habang nasa daan, bigla umanong nagbunot ng baril si Ampuan at saka tinutukan si Sunga sabay banta ng katagang “diretso mo lang huwag kang hihinto, babarilin kita.â€
Pagsapit sa loob ng kampo, partikular sa harap ng DAID, nagawang makaalpas ni Sunga kay Ampuan, hanggang sa gawing hostage ng huli ang kanyang pamilya at nagbanta na papatayin.
Ilang minutong tumagal ang hostage drama kung saan may pagkakataong nagpapaputok pa ng kanyang baril si Ampuan, pero sa maikling pakikipag-usap ni Senior Supt. Procorpio G. Lipana ay sumuko din ang una.
Sabi ni Lipana, unang sinabi sa kanya ng suspect na nagpunta sila sa kampo para ireport ang nawawala nilang anak. Subalit nang maaresto ay saka ipinagtapat nito na nagpunta sila sa kampo para ireklamo ang extra marital affairs ng kanyang asawa, ayon naman kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD criminal investigation and Detection unit.
Pero sabi naman ng asawa ni Sunga na si Aisa, nalito lamang umano ang kanyang asawa nang makitang marami ng tao sa lugar kung kaya sila hinostage nito.
Narekober kay Ampuan ang isang kalibre .45 baril na may isang magazine na may lamang apat na walang lisensiya.