MANILA, Philippines - Natangayan ng mahigit sa isang milyong halaga ng cash at mga gamit ang isang doktor sa loob ng kanyang condominium unit sa lungsod Quezon.
Ayon sa biktimang si Dr. Elice Ventura, 30, may isang milyong halaga ng alahas, P200,000 cash; passport; bank passbook; at transcript of records at clearances ang nawala sa kanyang one-bedroom unit sa Orchard Tower 3 sa Brgy. Bagumbayan sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO2 George Caculba, sinabi nitong wala naman silang nakitang senyales na pinasok ng kawatan ang condominium nito dahil wala man lamang nasira sa pintuan ng kanyang condo at kahit saang entry point ng kanyang tirahan.
Ani Caculba, maaaring ang kanyang mga kasama sa condo ang maaaring kumuha ng kanyang mga gamit at pera.
Sinabi ni Ventura na noong nagdaang Sabado niya nalaman na nawawala ang P200,000 cash na nasa loob ng kanyang cabinet at kinabukasan nito, araw ng Linggo ay kinausap niya ang kanyang mga kasama sa condo at sinabi sa mga ito na nawawala ang kanyang pera.
Patuloy na sinisiyasat ng pulisya ang insidente.