2 pang suspek sa ‘Davantes’ timbog

MANILA, Philippines - Dalawa pang suspek sa pagpaslang at pagna­nakaw sa advertising­ exe­cutive na si Kae Davantes ang nadakip ng mga tauhan ng Task Force Kae makaraang unang maaresto ang isa sa kanilang mga kasamahan noong nakaraang Lunes.

Sa pulong-balitaan na ipinatawag ni Sr. Supt. Christopher Laxa, pinuno ng TF Kae sa National Capital Regional Police Office headquarters sa Camp Bagong Diwa, kinilala nito ang mga bagong nadakip na sina Lloyd Enriquez­, 18, at Jojo Diel, 30.

Nabatid na naaresto sa Cupang, Muntinlupa si Enriquez nitong naka­raang Sabado habang ku­sang-sumuko si Diel.  Matatandaan na unang nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa mga suspek na si Samuel Decimo, 19, noong naka­raang Biyernes.

Sinabi ni Laxa na pag­nanakaw pa rin ang pa­ngunahing anggulo na lu­mulutang makaraang aminin ng mga suspek na panghoholdap ang pakay nila at talagang gawain nila ang mangholdap.

Isinantabi na rin ng pulisya ang anggulong “crime of passion” sa pagpaslang kay Davantes, 25, na  isang senior account manager ng McCann Worldgroup.

Kasalukuyang tinutugis naman ng pulisya ngayon ang tatlo pang suspek na nakilalang sa mga alyas na “Jomar, Pepito at Fasher” na itinuro ng mga naares­tong suspek na kanilang mga kasamahan sa krimen.

Hindi pa naman malinaw kung kanino mapupunta ang P2.5 milyong pabuya na inilabas ng NCRPO buhat sa ambag ng mga concerned citizen at ng Office of the President.

 

Show comments