Holdaper huli na, nakatakas pa

MANILA, Philippines - Isang nadakip na holdaper ang nakatakas pa habang ito ay tinatanggalan ng posas ng mga pulis kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Kinilala ang suspek na si Rogelio Flires, 33, ng Manapat St., Brgy. Tañong ng naturang siyudad.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO1 Edcel dela Paz, ng Criminal Investigation Division (CID), Malabon City Police na naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa panulukan ng C-4 Road at Leoño St., ng nabanggit na barangay.

Nauna rito ay  sakay ng isang pampasaherong jeep ang biktimang si Eurinice David, 19, patungong Ilaya, Divisoria at nang huminto ang nasabing sasakyan dahil sa trapik dito, inagaw ng suspek ang mamahalin nitong  Sony cellphone. Humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis na nagresulta upang madakip ang suspek.

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya at habang tinatanggalan ito ng posas ay nagsa-palos ito at nagawang makatakas.

Show comments