Rapist killer ng 12-anyos, kinasuhan

MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong murder at rape ang isang construction worker matapos nitong gahasain at patayin ang isang 12-anyos na nene noong Biyernes ng madaling-araw sa Muntinlupa City.

Nakakulong ngayon sa Muntinlupa City Police detention cell ang suspek na si Reynante Odono, 26, tubong-Sorsogon ng Brgy. Alabang matapos itong  ituro nang lumutang na  testigo na sangkot sa panghahalay at pagpaslang sa biktimang si Stephanie Cristel, ng Molina St., ng naturang barangay.

Ayon sa report ng Muntinlupa City Police, dakong alas-3:30 ng madaling-araw noong Biyernes nang ma­tagpuan ang bangkay ng batang babae sa ikalawang pa­lapag ng isang ginawang gusali malapit lamang­ sa tinitirhan ng biktima ng kanyang tatay na  si Ronald Elba habang hinahanap ito.

Lumabas sa imbestigas­yon ng pulisya na pwersahang pinasok ng suspek  na umano’y lango sa  droga ang biktima sa unang palapag ng kanilang tirahan dakong alas-3:00 ng madaling-araw habang natutulog sa ikalawang palapag ng bahay ang  kanyang mga magulang.

Binuhat ng suspek  ang dalagita patungo sa ginagawang gusali at doon isinagawa ang panghahalay.

Nang manlaban umano ang biktima, sinakal siya ng suspect hanggang sa mapatay.       

Napag-alaman sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Chief Insp. Romanita Bulaon ng Women and Children’s Protection Desk ng Muntinlupa City Police na narinig pa ng tiyahin ng biktima na si Alma Elba ang pagsigaw  ng pamangkin kaya’t ginising niya ang ama ng bata upang hanapin ang biktima.

Natagpuan naman ni Ronald ang anak na gula-gula­nit na ang damit at wala nang malay kaya’t mabilis nilang isinugod sa Alabang Medical­ Center ang bata subalit idineklarang dead on arrival ito.

Sa ginawang follow-up operation ng pulisya, ka­agad na nadakip ang suspek  matapos lumutang ang isang testigo na nakakita kay Odono habang karga ang bata na una niyang inakala na bagahe.

Show comments