Graduating stude lasog sa truck

MANILA, Philippines - Hindi na makakamit pa ng isang 4th year engineering student ng Technological Institute of the Philippines (TIP) ang ina­asam na makatapos sa kolehiyo para makatulong sa kanyang mga magulang makaraang masawi nang mabundol at masagasaan ng isang delivery truck sa may kahabaan ng Katipunan Avenue sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ayon kay PO3 Renato Sunga, nasawi ang bik­timang si Ariel delos Santos, 22, binata, working student, ng Pook Pagasa, Batasan Hills, matapos na magtamo ito ng labis na pinsala sa kanyang ulo.

Hawak naman ng Quezon City Police District Traffic Sector 3 ang driver ng truck na si Edmar Luna, 34, ng Gen. Luis St., Brgy. Nagkaisang Nayon, Nova­liches na inaresto makaraan  ang insidente.

Sa imbestigasyon ni Sunga, nangyari ang insi­dente sa may kahabaan ng Katipunan Avenue, harap ng Miriam College, Brgy. Loyola Heights, ganap na alas-9 ng gabi.

Bago ang insidente, mina­maneho ng biktima ang kanyang Rusi 110 motor­cycle (3138-QW) at tina­tahak ang loob ng motor­cycle lane galing south pa­tungong north direction nang biglang mabundol ng truck ni Luna.

Ang nasabing truck ay naglalaman ng mga pirasong karton galing Taguig na dadalhin sana sa Nova­liches.

Sabi ni Sunga, sa lakas­ ng pagkakabangga ay sumadsad sa kalsada ang motorsiklo kasama ang biktima, saka muling nasagasaan ng truck ang ulo nito sanhi ng agad na pagkasawi nito sa kabila na may suot itong helmet.

Katwiran naman ng suspect, bigla na lamang umanong sumulpot sa ha­rapan niya ang motorsiklo kung kaya nabundol niya ito.

Sinasabing may ini­wasan umanong sa­sak­yang nakaparada sa lugar si Delos Santos kung kaya bahagyang napaiwas ito at nabundol ng truck.

Gayunman, ayon pa kay Sunga, dahil ma­linaw na nasa motorcycle lane ang biktima at sa pangyayaring nabundol niya ito ay nahaharap pa rin siya sa kasong reckless im­prudence re­sulting to homicide­. 

 

Show comments