Trainee naipit ng prime mover, utas

MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa Doctor’s Hospital ang isang 21-anyos na apprentice hatch­man habang nagbabantay sa pagkakarga ng mga container van sa loob ng isang barko, nang maatrasan  at maipit ng prime mover na gamit sa pagsalansan ng container vans, sa Pier 15, South Harbor, Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Franze Raynon Divinagracia, apprentice ng M/V St. Pope John Paul II na pag-aari ng  2Go Shipping Lines, tubong- Bacolod, Negros Occidental.

Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa wagon deck ng nasabing barko.

Mabilis namang naglaho ang suspect na driver ng prime mover na  si Rommel  Cruz, 37, ng Asian Terminal Inc., ng #1925 Trinidad Rizal St., Tondo, Maynila.

Nagtse-tsek umano ang kasamahang si Cris Evange­lista, sa mga isinasalansan nang nakarinig ng kalabog  kung saan nakita niyang unang nasagi ang isang container van. Hindi umano napansin marahil ng driver na nasa sulok  ng nasabing van ang biktima na naipit.

Nang matuklasan na na­ipit ang biktima, mabilis na bumaba ng prime mover ang driver at tumakas.

 

Show comments