Kotse ni Kae Davantes, natagpuan na

Sinisiyasat ng  mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang  sasakyan ng advertising executive na si Kae Davantes na natagpuan sa Las Piñas habang ipinakita rin  ang mga damit pambata na may gasolina na indikasyon na ginamit sa pagsunog sa  ilang bahagi ng sasakyan nito. (KUHA NI  EDD GUMBAN)

MANILA, Philippines - Natagpuan na ang kotse ng pinaslang na advertising executive na si Kristelle “Kae” Davantes sa loob ng isang subdibisyon sa Las Piñas City kahapon ng umaga.

Sinabi ni Las Piñas Police chief, Sr. Supt. Adolfo Samala, na natagpuan ang silver Toyota Altis (PIM-966) ni Davantes sa kanto ng Nickel at Silver Sts. sa Camella Homes 4 sa Brgy. Pamplona 3 ng naturang lungsod.

Kinumpirma ni Samala na ang naturang kotse  ang pagmamay-ari ni Davantes na natagpuang walang buhay noong Setyembre 8 sa Tibagan Bridge sa Brgy. Sabutan, Silang Cavite.  Nagtamo ito ng mga tama ng saksak sa katawan at bakas ng pambibigti sa leeg.

Ipinaalam na ng pulisya sa pamilya Davantes na naninirahan sa Moonwalk, Parañaque ang pagkaka­tagpo sa sasakyan ng biktima. Agad namang nagtungo sa lugar ang mga ma­gulang ng biktima at kinikilala ang mga personal na gamit na nasa loob ng sasakyan.

May ulat na tinangkang sunugin ng mga salarin ang kotse dahil sa sunog na ang dashboard nito. May mga damit na pambata na ibinabad sa diesel ang natagpuan sa loob ng kotse habang binaklas ang mga upuan.

Hindi naman nagbigay ng dagdag pang impormasyon si Samala habang nasa lugar na ang mga im­bestigador ng Task Force Kae. May posibilidad na ma­aaring makakuha naman ng “lead” ang pulisya sa loob ng naturang sa­sakyan na posibleng ma­ging daan upang makilala ang mga salarin.

Sa mga unang imbestigasyon, nabatid na huling­ nakita ang biktima sa Bonifacio Global City sa Taguig bago mag-isang umalis lulan ng kanyang kotse hanggang sa makita ang bangkay kinabukasan.

Si Davantes, 25, ay isang senior account ma­nager sa MRM digital marketing agency, Manila branch sa ilalim ng McCann World Group Philippines na may tanggapan sa Active Fun Building sa 9th Avenue­,  BGC.

Matatandaang nagpa­labas ng P200,000 reward ang NCRPO para sa ma­ka­kapagbigay ng impormasyon na makatutulong sa pagresolba ng kaso ni Davantes.

Si Davantes ay naihatid na rin sa kanyang huling hantungan kahapon.

Show comments