MANILA, Philippines - Muling magdaraos ng people’s march against pork barrel sa Luneta Park ngayong hapon na aabutin hanggang alas-10:00 ng gabi.
Ito ay batay sa ipinagkaloob na permit ng National Parks and Development Committee (NPDC) sa tumatayong convenors / organizers na sina Henry Khan at Father Jose Dizon ng tinawag nilang ‘People’s March and Youth Concert’.
Sa panayam kay Kenneth Montegrande, NPDC conÂsultant for communications and events at spokesman, pinahintulutan nila ang nasabing malaking rali na tatagal mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi ngayong Biyernes.
Umapela rin siya sa mga dadalo na pairalin sa kanilang sarili at kanilang hanay ang ‘bayanihan’ o disiplina at kaÂayusan para maging mapayapa at maayos ang kilos-protesta.
Pinangunahan umano ang pagkilos ng mga grupo ng Simbahang Katoliko, kabilang ang Association of Major Religious Groups of the Philippines at Catholic Educational Association of the Philippines, mga kolehiyo at unibersidad mula sa Metro Manila, bukod pa sa iba’t ibang militanteng grupo, singer, flip top rappers, mga indibidwal at personalidad tulad nina dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, Juana Change at iba pa.
Inaasahang mayorya sa dadalo ay mga kabataang estudyante.
Maging ang pamilya ng mga militanteng drayber at opeÂrator ng PISTON ay makiÂkiisa sa gagawing kilos proÂtesta laban sa abolisyon ng pork barrel sa Luneta ngayon.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, muling sasali ang kanilang hanay sa pagkilos sa Luneta para sa panawagan ng sambayanang Pilipino na buwagin nang tuluyan ang lahat ng anyo ng pork barrel, lalo na ang presidential pork barrel.
Sabi ni San Mateo, alas- 12:30 ng tanghali hanggang ala-1:00 ng hapon ay sisimulan na nila ang pagtitipon tipon kasama ang mga kasapi’t kaalyadong drayber at operator ng PISTON sa panulukan ng Recto at Avenida sa Maynila, kasama ang iba pang organisasyon gaya ng Kilusang Mayo Uno, Bayan at iba pa, saka sama-samang magmamartsa patungong Luneta.
Nauna rito ay lumahok din ang mga kasapi at chapters ng PISTON sa naunang Million People’s March noong nakaraang Agosto 26 sa Luneta gayundin sa mga lalawigan gaya nang sa Albay, Iloilo, Davao, Baguio, Cagayan De Oro at iba pa.
Naghahanda din ang PISTON sa pagkakasa ng Pambansang Kilos-Protesta.