MANILA, Philippines - Limang pinaniniwalaang ‘tulak’ ng iligal na droga na nag-ooperate sa pitong barangay sa Taguig City ang nasakote sa isinagawang magkakasunod na operasyon ng Taguig City Police sa naturang lungsod kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga naaresto na sina Bain Intan Myra Lumamba, 31; Richard Anabeza, 24; Muslimin Kindato, 53, Roelito Jo, 33; at Saudi Amin, pawang mga residente ng Brgy. Maharlika.
Sa ulat ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG), dakong alas-5 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon kung saan dalawang pulis ang nagpanggap na buyer.
Hindi na nakapalag ang limang suspek nang sumulpot ang mga nakasubaybay na pulis makaraang magkabayaran sa binibiling iligal na droga. Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia, isang 12 gauge shotgun na may 20 bala at P3,000 marked money.
Sa imbestigasyon, nag-ooperate umano ang limang naaresto sa mga barangay Maharlika, Upper Bicutan, Bagumbayan, Central Bicutan, South Signal, New Lower Bicutan at Lower Bicutan.