MANILA, Philippines - Hinihinalang mga miyembro ng sindikato ng iligal na droga ang bumaril at nakapaslang sa isang 53-anyos na lalaki police asset, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang biktimang nakilalang si Sydney Binas, ng Calatagan St., Makati City. Nagtamo ito ng tama ng bala sa likod at kaliwang braso.
Pinaghananap naman ngayon ng pulisya ang mga itinuturong suspek na sina Reynaldo Arviso, 27, alyas “Junjun Bisugo†at isang alyas Bong.
Sa ulat ng Pasay City Police, dakong alas-9:50 ng gabi nang maispatan ni Binas si Arviso sa may IPI Buendia Tower sa Gil Puyat Avenue, ng naturang lungsod. Sinabi ng saksing si Michael Roxas, 43, na katatapos lamang nila ni Binas na maglaro ng Bingo sa Extreme Bingo Club sa naturang gusali.
Sinabi nito na ibinulong sa kanya ni Binas na kilalang tulak ng iligal na droga si Arviso na kanilang sinundan hanggang sa sumakay ito ng kotse kasama ang isang lalaki at babae. Makaraan ang ilang saglit, sumulpot ang isang lalaki at pinagbabaril si Binas na nagawa pang makapasok sa loob ng gusali. Tinutukan din umano siya ng baril ng gunman bago sumakay sa kotse na minamaneho na ni Arviso at mabilis na tumakas.
Bago pa maisugod ni Roxas sa pagamutan ang kaibigan, sinabi umano sa kanya ni Binas na kilala niya sa alyas na “Bong†na residente ng M. Dela Cruz St., Pasay, ang bumaril sa kanya na kasamahan ni Arviso sa pagbebenta ng ilegal na droga. Nagsagawa naman ng operasyon ang pulisya at sinalakay ang bahay ni Arviso sa 346 Magtibay St. subalit hindi ito natagpuan.