MANILA, Philippines - Nadakip na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang 22-anyos na lalaking sinaÂsabing namaril sa loob ng barangay hall sa Balut, Todo, Maynila kamakailan kung saan napatay nito ang barangay chairman at tatlo pa ang nasugatan.
Nakapiit sa MPD-Homicide Section detention cell ang suspect na si Baltazar Achoy, 22, ng Bldg. 21, Unit 324, Permanent Housing, Balut Tondo.
Sinabi ni Senior Insp. Steve Casimiro, hepe ng MPD-Homicide Section, na inginuso ang suspect ng dalawang saksi na siyang bumaril kay Chairman Rolando Reyes, 53, ng Brgy. 131, Zone 11, District 1.
Sa naturang insidente tinamaan din ng ligaw na bala ang misis ng nasawi na si Marilou, 50; tanod na si Juanito Fausto, 41; at Adrian Daguio, 2-anyos.
Sa pangunguna ni PO2 Edgardo Palabay ng MPD-station1, inaresto si Achoy sa loob ng kanilang bahay dakong alas-10:02 ng gabi, kamakalawa.
Nabatid na ligtas na sa panganib ang batang nadapÂlisan ng bala sa ulo, ang tanod na nabaril sa binti dahil sa paghabol sa suspect at naoperahan na rin ang misis ni chairman na si Marilou, na nagtamo ng tama ng bala sa bukong-bukong.