MANILA, Philippines - Tatlong Chinese national ang nalambat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang pagsalakay sa inuupahang mansion house ng mga ito na nagsisilbing drying station ng iligal na droga sa Tondo.
Nasamsam sa mga dayuhan ang mga shabu na nagkakahalaga ng 314 milyong piso.
Kinilala ni NBI-OIC at Justice Secretary Leila De Lima ang mga suspect na sina Ong Tsen Siong, alyas Jackie Lopez at William Uy; Lee Chian Chiat at Sy Tian Kok.
Pinaniniwalaang kasapi ang tatlo ng isang big-time drug syndicate na nag-ooperate sa bansa.
Umabot sa 62 na kilo ng shabu ang nakumpiska sa Unit 704 sa 3rd floor ng Cathay Mansions na mataÂtagpuan sa Mayhaligue St., Tondo, Maynila, sa operasyong isinagawa kamakalawa ng gabi.
Mahirap umanong matukoy na shabu o metampheÂtamine hydrochloride ang kanilang kinumpiska, na ayon sa paglalarawan sa droga ay mistulang legal na produkto. Nakabalot ito sa aluminum foil tea bags, na may markings ng Chinese characters, na idinedeklarang Chinese tea at medisina.
Nakikipag-ugnayan na ang NBI sa Bureau of Customs (BoC) upang matukoy kung saan galing ang kargamento at sino ang consignee.
Bukod sa malaking bulto ng shabu, sinamsam din ng NBI ang mga cloth dyer, humidifiers, drying pans, timbangan, mga plastic containers, vacuum sealers, vacuum packaging machines, unused packaging materials, used tea bags na gawa sa aluminum foil na may tatak na Chinese characters at may residue pa ng shabu.
Ang tatlong Chinese na sinasabing mga tauhan umano ng Chinese Drugs Triad ay haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.