MANILA, Philippines - Natimbog na ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na suspect na sangkot sa serye ng robbery-snatching sa lungsod ng Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano, ang mga suspect na sina Michael Sorbito, 21; Edcen Ong, 25; at Edwin Gamali, 24; at John Mark Ramos, 29.
Ayon kay Albano, ang mga naturang suspect ang itinuÂturing na salot sa lungsod na bukod sa Quezon City ay tumitira rin sa Caloocan City, Manila at karatig-lugar.
Sa ulat, unang naaresto ang mga suspect na sina Sorbito, Ong at Gamali sa magkakahiwalay na follow-up operation matapos ang reklamo ng dalawang babaeng biktima.
Sinasabing nagpapatrulya ang mga tauhan ng QCPD Station 1 sa panulukan ng Scout Alcaraz at Speaker Perez St., Brgy. Maharlika nang maispatan ang isang motorsiklo kung saan lulan sina Sorbito at Ong na armado ng baril at arestuhin, alas-3:30 ng hapon.
Narekober sa mga ito ang dalawang cal.38, isang Samsung III cell phone at isang i-Phone 5.
Nakuha pang suhulan ni Sorbito ang mga pulis ng P1,000 kapalit ng kanilang kalayaan ngunit nabigo siya.
Sa interogasyon, sinabi nila kung saan ang kuta ng kanilang grupo. Dahil dito, pinuntahan ito ng mga awtoridad kung saan nila nadakip ang isa pang kasamahan na si Gamali.
Samantala, si Ramos, 29, ay nasakote naman sa Tandang Sora Avenue lulan sa itim na Nissan X-Trail (ZEA 553).
Sangkot si Ramos sa panghoholdap kay Ma. Zarina DiquiatcoÂ, waitress sa panulukan ng Mother Ignacia St. at Scout Reyes Brgy. Bagong Handa.
Bago ang panghoholdap, nagte-text si Diquiatco gamit ang kanyang i-Phone 5 nang hablutin ng suspect. (Ricky T. Tulipat with trainee Ma.Juneah Del Valle)