‘Bading’ sugatan sa lover

MANILA, Philippines - Sugatan  at kasalukuyang nakaratay sa United Doctors Medical Center (UDMC) ang isang 33-anyos na  umano’y bading, matapos tagain ng kanyang lover dahil sa hindi   pagtupad sa kasunduan o bayaran sa kanilang pagtatalik, sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Jerome Rey Espanola, 33, negosyante, ng 3rd floor, sa E. Quintos St., Sampaloc, Maynila.

Pinipigil pa sa Station 4 ang suspect na kinilalang si Rosel Cuason, 29, walang trabaho, ng Sta. Cruz, Manila.

Nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang 18 pulgada na jungle bolo na ginamit sa pananaga sa biktima.

Ayon kay MPD-Station 4 chief, P/Supt. Santiago Pascual, hindi pa nila maisalang sa inquest proceedings ang suspect dahil tumatanggi pang magharap ng reklamo ang biktima.

Naganap ang insidente sa bahay ng biktima dakong alas-11:00 ng gabi, kama­kalawa.

Pinabulaanan na rin ni Pascual na nagkaroon ng hostage-taking incident dahil hacking incident lamang ang nangyari, batay na rin sa spot report na hawak niya.

Show comments