MANILA, Philippines - Magsasampa ng kaso ang Metropolitan Manila Development Authorirty (MMDA) sa mga bus operators na sinasabing nagsagawa ng strike kahapon sa Southwest Interim Provincial Terminal sa Coastal Mall sa Parañaque City.
Ayon sa MMDA, may 20 porsiyento ng mga bus buhat Cavite na gumagamit ng terminal ang nagsagawa ng pagwewelga dakong alas-7 ng umaga hanggang alas-11 ng umaga.
Kinilala ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang dalawang bus line na lumahok sa welga na Erjohn at Don Aldrin bus companies.
Ang mga nag-strike na bus ay hindi dumating sa nabanggit na terminal buhat sa Cavite dahilan upang maraming mga pasahero ang ma-stranded.
Napilitang magpakalat ang ahensya ng MMDA bus, tatlong MMDA trucks at tatlong military trucks para masakyan ng mga na-stranded na pasahero.
Nakatanggap umano ng ulat ang MMDA na ilang nagpoprotestang mga bus driver at operators ang humaharang sa mga bus sa Imus at Bacoor patungong terminal.
Samantala, pinabulaanan naman ni Ferdinand Wakay, legal counsel ng Cavite bus companies na nagsagawa ng strike ang kanyang mga kliyente kahapon.
Naantala lamang umano ang dating ng mga bus dahil sa matinding trapik sa Tanza at bayan ng Dasmariñas kung saan nagdiriwang dito ng piyesta.