MANILA, Philippines - Pinapapaspasan ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ginagawa nilang clean-up operation sa Kalakhang Maynila mula sa iniwang tambak ng basura nitong nagdaang bagyo dahil inaÂasahan na naman ang pag-uulan sa mga susunod na araw.
Nabatid kay MMDA Flood Control and Sewerage Management Office Director Emma Quiambao, bukod sa Manila Bay na pangunaÂhing tinutukan nilang linisin, naging puspusan din ang paglilinis nila sa binabahang lugar ng EDSA, Taft Avenue, Magallanes at Roxas Blvd.
Aminado naman si Quiambao na sa pagsisimula ng kanilang clean-up operation noong nakaraang linggo ay kanilang napansin na hindi na kasingdami ang basurang dumadaloy sa mga kanal at drainage kumpara sa mga nagdaang araw.
Dahil na rin dito, ayon pa kay Quiambao, kailangan nilang paspasan ang paglilinis dahil sa inaasahan na namang pag-uulan sa mga daraÂting na araw lalo na’t may namataan na namang parating na bagyo.
Hanggang kahapon ang target ng MMDA na tapusin ang isinagawa nitong clean-up operation partikular sa mga binahang lugar.