MANILA, Philippines - Isang fuel inspector ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang suspect, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Nasawi habang ginaÂgamot sa Mary Jhonston Hospital ang biktimang si Leonardo Pelaez, 59, empleyado ng Oceanic Container at residente ng Tondo, Maynila sanhi ng tama ng bala ng baril sa ulo.
Nagsasagawa naman ng follow-up operations ang pulisya laban sa suspect na tumakas.
Sa report ni Det. Rommel Del Rosario ng MPD-homicide section, dakong alas-6:00 ng umaga ng maganap ang insidente sa isang eskinita s a harapan ng tinitirhang building ng biktima.
Ayon sa salaysay ng asawa ni Leonardo na si Leona, narinig niyang may kausap ang kanyang mister sa cellphone na isang Al na umano’y humihiram ng pera sa kanyang asawa.
Bumaba umano ang biktima mula sa 3rd floor ng kanilang inuupahang bahay upang umano’y ibigay ang perang hinihiram ng tumawag.
Ilang sandali lang nakarinig siya ng putok ng baril at nang kanyang alamin ay nakita ang biktima na duguang nakahandusay sa semento.
Nabatid na matapos ang papamaril ay tumakas ang suspect sa direksiyon ng Lualhati St.
Ayon kay Del Rosario, bagama’t ang alyas Al ang huling kausap ng biktima, inaalam pa kung may kaÂugnayan ang huli sa pagpatay sa biktima.