Para di maakusahang nagtatanim K-9 units gagamitin sa drug operations

MANILA, Philippines - Upang hindi umano ma­akusahan na “nagtatanim” ng ebidensya, palagiang gagamitin ngayon ng Pasay City Police ang mga “K-9 units (sniffing­ dogs)” sa isasagawang mga “anti-drug raids” sa mga bahay ng mga pinaghihinalaang tulak ng iligal na droga sa lungsod.

Ipinaliwanag ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Rodolfo Llorca na gagamitin nila ang mga K9 dogs sa pagsasagawa nila ng pagbisita sa mga bahay na markado na tinitirhan ng mga hinihinalang tulak ng iligal na droga.

Una muna silang makiki­pag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya tulad ng Commission on Human Rights, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga opis­yal ng barangay, kasama na ang abogado upang magpa­dala ng kanilang kinatawan sa isasagawa nilang pagpasok sa mga target na bahay.

Ang mga K9 units nila umano ang sisinghot at mag­hahanap ng mga ebidensya sa loob ng bahay at maging sa katawan ng isang suspect at hindi ang kanilang mga operatiba upang makatiyak na walang “pagtatanim” ng ebidensya na magaganap. 

Sa oras na makahanap ng iligal na droga, maaaring makasuhan ang taong may posesyon nito at kung hindi naman maestablisa kung ka­nino ang ebidensya ay pagsasabihan ang may-ari ng bahay umalis na ng lungsod o kaya ay palayasin ang mga nangu­ngupahan sa kanila.

Dahil sa sistemang ito, umaasa ang Pasay Police na makaiiwas na ang kanilang mga tauhan sa akusasyon ng pagtatanim ng iligal na droga at matatanggal ang mga kaso ng pangongotong ng mga tiwaling pulis.

Muli namang binalaan ni Llorca ang mga drug pushers­ na umalis na sa lungsod ng Pasay dahil ipakukulong at kakasuhan ang mga ito sa ikakasa nilang maigting na operasyon­.

Show comments