Trader patay, anak sugatan sa pamamaril

MANILA, Philippines - Patay ang isang 74-an­yos na negosyanteng ginang habang sugatan naman ang anak nito, makaraang pag­babarilin ng armadong suspect habang ang una ay nag­babantay sa kanyang negosyo sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ayon kay SPO2 Cristituto Zaldarriaga, may-hawak ng kaso, kinilala ang nasawi na si Rosalia Tan, habang ang sugatan anak nito ay si Wins­ton Tan, 46, pawang mga residente sa no. 23 Kabignayan St., corner Banawe, Brgy. Tatalon sa lungsod.

Patuloy namang inaalam ng imbestigador ang pagkakakilanlan ng suspect dahil wala man lamang sa mga residente ang nakatukoy sa pagkatao nito.

Sa ulat nangyari ang insidente sa may Arwin Auto Supply na matatagpuan ma­lapit sa bahay ng mga Tan, ganap na alas-3:15 ng hapon.

Diumano, busy sa pagbabantay sa kanyang tinda ang mga biktima nang big­lang sumulpot ang suspect at pinagbabaril ang mga ito.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na sumibat ang suspect, habang dead on the spot naman ang matandang Tan, habang ang anak naman nito ay isinugod sa Delos Santos Hospital kung saan ito naka-confined.

Sa pagsisiyasat, ang mga biktima ay kapwa nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa kanilang panga.

Matatandaang nitong na­karaang July, 2012, isang magkakamag-anak din ang minasaker sa nasabing lugar, kung saan nadakip ang sinasabing suspect at nakasuhan.

Pero ayon kay Zaldarriaga, tinitignan nila ngayon kung may kaugnayan ang naturang kaso sa pangya­yaring naganap sa mga biktima sa kasalukuyan habang patuloy ang pagsisiyasat na kanilang ginagawa sa nasabing insidente.

Show comments